Miyerkules, Abril 15, 2015

Internship with Ms. Bebang Siy



INTERNSHIP:
Bakit ba kailangan pang mag-OJT? Aba! Tinatanong pa ba ‘yan? Malamang para sa bagong karanasan. Para sa panibagong ideya at kaalamanan. Mga bagong pagtuklas hindi lamang sa loob ng paaralan. Paghahanda rin ito sa sarili para sa nais na maging propesyon. Ito’y unang hakbang patungo sa tatahaking bagong daan.
           
Third year Malikhaing Pagsulat student ako sa Bulacan State University. Malikhaing Pagsulat? Ano nga ba ito? Hindi pamilyar ang karamihan sa kursong ito. Kurso ito ng mga nais maging manunulat. Writer sa telebisyon, sa radyo, sa diyaryo,  mga libro, at iba pang anyo ng literatura. Pero bago ako makapagtrabaho sa mga nabanggit, bago ako tuluyang tawaging writer, kailangan ko munang dumaan sa mahabang proseso. Isa ang internship o OJT sa mga dapat kong maranasan.
Saan ba puwedeng mag-OJT ang isang Malikhaing Pagsulat? Maaaring lumapit sa mga TV at radio stations, sa mga publishing houses, at siyempre, sa mga writer. Bago pumili ng papasukan sa internship, alamin mo muna ang gusto mo. Ako, lumapit ako sa isang manunulat na nakapag-publish na ng kaniyang sariling libro, ito rin kasi ang gusto ko kumpara sa iba.
Nagpadala ako ng e-mail kay Binibining Bebang Siy (Haha! Naks! Binibini!). Fortunately, tinanggap naman niya ako bilang kaniyang kauna-unahang intern student.
Anong gagawin ko bilang intern kay Bebang Siy? Sumasama ako sa mga lakad niya na patungkol sa pagiging manunulat niya. Mga career talk sa mga eskwelahan, book launching, at marami pang iba. Nagpapasa rin ako sa kaniya ng akda na ginawa ko at binibigyan ito ng komento. Nagpasa ako sa kaniya ng sanaysay tungkol sa aking pagkabata. BIngyan niya ako ng ilang pointers para mas mapaganda pa ang sanaysay ko. Binibigyan din niya ako ng mga advice sa pagiging manunulat, nagbabahagi siya ng kaniyang karanasan at doon pa lang ay marami na akong natututunan. Kaiba sa ibang OJT, ang pagi-intern ko kay Bebang ay hindi araw-araw. May araw lamang siyang tinatakda para magkita kami at bumuo lamang ako ng mahigit sa 80 oras na pag-iintern sa kaniya. 

FIRST DAY NG INTERNSHIP
            Pinadalhan ako ng e-mail ni Bebang. Nagbigay ng oras at lokasyon para sa unang araw ko ng internship. Sa Caliburger, Timog Avenue. 1 PM. Patay na! Hindi pa naman ako marunong lumuwas nang mag-isa. Hindi ko alam kung saan ang Timog Avenue. Hindi ako marunong mamasahe sa QC! Ito ang unang problema ko. Halos maligaw ako. Sakay ng bus, baba sa GMA-Kamuning MRT Station, nagtanong sa guwardiya ng GMA kung saan ang Caliburger. Presto! Natagpuan ko rin matapos ang ilang minutong lakaran sa ilalim ng tirik ng araw.
            Book discussion ang event sa araw na iyon. Kasama ang ilan sa mga miyembro ng Pinoy Reads Pinoy Books (PRPB), ang libro ni Mr. Eros Atalia na Ligo na U Lapit na Me ang nakatakdang libro para sa araw na iyon. Na-meet ko rin sa personal si Mr. Eros Atalia. Ang babait ng mga taga-PRPB! :) 

SECOND DAY NG INTERNSHIP
            Sa Technological Institute of the Philippines, Cubao naman kami. Ang LLS  Convention. Dito, nagbigay ng talk si Bebang Siy tungkol sa pagiging writer niya.
            Supposedly, 10 AM ay dapat nasa TIP na ako. Pero dahil pinoproblema ko pa rin ang pagluwas, paano na naman ako pupunta sa TIP? Sakay ng bus. Baba sa Cubao Ibabaw,  tawid sa footbridge, lakad pa hanggang sa tulay na hindi ko alam kung ano tawag (hehehe, pasensya na po), nagtanong sa dalawang pulis kung saan ba sasakay ng jeep papuntang TIP. Pagdating sa sakayan ng jeep, buti na lang at may taga-TIP akong kasabay, mapapadali ang pagbaba ko. Pagdating sa TIP, hinintay ko lang nang ilang minuto si Ate Bebang.
            Process of writing. Boring ang topic na ‘to, pero ayos din naman ang style ni Ate Bebang, dinadaan lahat sa pagpapatawa. :)
Ano nga ba ang Process of Writing?
1.     Conceptualization – Pagbuo ng konsepto. Anong gusto mong isulat? Tungkol saan? Tungkol kanino? Bakit?
2.     Research – pagsasaliksik ng mga bagay ukol sa napiling konsepto. Mainam na maalam sa konseptong naipili para mas epektibo sa mambabasa.
3.     Writing
4.     Revising – paglilinis sa sinulat na akda. Pagtatanggal ng mga bagay na hindi angkop. Pagpapalit ng mga salitang ‘di hamak na mas nababagay. Pagpapaganda at pagpapaunlad ng akda.
5.     Submission
6.     Publication

Uri ng mga Pagsulat;
            Non-commissioned Work – Mga akdang trip lang. sinulat para sa sarili o mga ipinapasa sa paaralan. Ang pagsulat ng isang akda ay nagtatagal ng mahigit isang taon.
            Commissioned Work – Mga akdang sinusulat kalakip ng isang kontrata; sa trabaho o publikasyon man.
Pagkatapos sa TIP, pumunta muna kami sa bahay ni Ate Bebang, doon ko nakilala ang isa sa mga lalaki ng buhay ni Ate Bebang (hahahaha!), si Kuya Poy, ang asawa niya, isa ring manunulat.
Dinala rin ako ni Ate Bebang sa Anvil Publishing House sa Mandaluyong. Nakilala ko ang ilan sa mga nagtatrabaho sa Anvil, ang mga editor at mga publishing managers. Kasama rin naming dito si Kuya Billy Candelaria, miyembro ng PRPB, na nakasalubong namin sa MRT Station. Parang field trip ang araw na ‘yon!

THIRD DAY NG INTERNSHIP
            SiBUL Film Festival. SiBUL o Sine Bulacan. Isa si Ate Bebang sa mga napiling maging judge ng mga pelikulang gawa ng kapwa ko BulSUan at mga ka-MassComm, College of Arts and Letters. Kasama rin sina Mr. Eros Atalia at Mr. Sigfreid Sanchez, sa loob deliberating room ng Cinema, Robinson’s Place Malolos, nakita ko kung paano nila i-judge ang bawat pelikula. Dahil Bulacan lamang ang lokasyon, aba! Nakakahiya na kung maligaw pa ako.

FOURTH DAY NG INTERNSHIP
            Sa Communications Foundation for Asia ang location ngayon. Meeting kasama si Sir Jericho Natividad, ng Gospel Komiks. Heto na naman ako. Sa Maynila ito. Sa may Pureza. Kung manggagaling ako ng Bulacan, sasakay lang ako ng bus biyaheng Divisoria at bababa sa 5th Ave. Doon ay sasakay ako ng LRT hanggang Doroteo Jose at lalakad papuntang Recto para lumipat sa LRT Line 2 at bababa sa Pureza Station. Pagdating sa Pureza, sasakay ng jeep biyaheng stop and shop at lalakarin lamang ng mga 2 minuto.
            Nakilala ko si Sir Jericho Natividad, editor in chief ng Gospel Komiks. Binigyan niya ako ng pagkakataon na makapagsulat at mai-publish sa komiks kahit na sa maliit na bahagi lang nito. Magbibigay lamang ako ng book at movie review. Si Kaitlin at ang Game Machine ni Fernando Pisigan Jarin ang librong aking bingyan ng review. Cloudy with a Chance of Meatballs 2 naman ang pelikulang bingyan ko ng review. Makikita ito sa ilalabas na isa sa mga isyu ng Gospel Komiks. Salamat kay Sir Jerry at kay Ate Bebang na nagdala sa akin sa CFA! 

FIFTH DAY NG INTERNSHIP
            Ito na rin ang huling araw na kasama ko si Ate Bebang. May ilang araw kasi na hindi nagtutugma ang aming iskedyul.
            Sa DLSU naman ang lokasyon, madali na itong puntahan kumpara sa iba. Isang bus lamang hanggang 5th Avenue at sasakay ulit ng LRT hanggang sa Vito Cruz. Presto! Nasa DLSU na ako.
Pagpasok ko sa loob ng La Salle, pinaalala lang nito na sa isang SUC talaga ako nag-aaral (hahaha!) Anyways,  book launching ang pinuntahan ko rito kasama siyempre si Ate Bebang. Launching ito ng PESOA.
PESOA. Ng Balangay Productions. Ni Mr. Ayer Arguelles. Ano nga ba ang PESOA? Mula sa salitang ‘personal’, nagbura ng ilang letra upang makabuo ng panibagong ideya. PESOA.
Ang nilalaman nito ay mula sa libro ni Rene O. Villanueva na Personal: Mga Sanaysay sa Lupalop ng Gunita.
Kahanga-hangang tunay, Sir Ayer! Slow clap para sa librong ito! Sana’y maimbitahan ka namin sa BulSU! :)

Binigyan din ako ni Ate Bebang ng assignment para sa buong internship na ito. Una ay basahin ang librong Paper Towns ni John Green (dahil mayroon nang Filipino version nito, na si Ate Bebang at Kuya Poy mismo ang nag-translate. Bili na! Haha!) basahin niyo rin dahil napakagaling talaga ni John Green. Pangalawa, ang blog na ito. Upang maibahagi ko rin sa iba ang karanasan ko sa pagiging isang intern sa manunulat. Mabuhay ang mga manunulat! Mabuhay ang mga magiging manunulat! Mabuhay ang mga nais maging manunulat! (Anudaw?! Hehe)

1 komento:

  1. Sa mga darating pang panahon, makakabasa na rin siguro ako libro na ikaw ang may akda.

    Ipagpatuloy mo lang ang pagsusulat. ^_^

    TumugonBurahin